Isa ka bang Rookie?

Tanong: Bakit tinatawag na “rookie” ang isang baguhan sa grupo?

Sagot:
Tinatawag na “rookie” ang sinuman na bago sa isang samahan o organisasyon na madalas na kulang sa kakayahan at ang kanyang pagkakamali ay maaaring magdulot ng hindi maganda sa grupo.

Ang salitang “rookie” ay nagmula sa Hukbong Militar ng Amerika sa kasagsagan ng kanilang Civil War. Nangailangan ng maraming bilang ng sundalo ang Amerika noon at napilitan silang kumuha ng mga sundalo na wala pang karanasan. Nagdulot ito ng malaking problema lalong lalo na pagdating sa disiplina ng mga baguhang sundalo.

Ang mga beteranong sundalo ay binansagan ang mga baguhang sundalo na “reckies”, ang tawag nila sa mga “recruits”. Sa paglipas ng panahon, ang “reckies” ay naging “rookies” sa kalaunan.

Kuwentong Hollywood!

Tanong: Bakit tinatawag na “Oscars” ang simbolo ng Academy Awards?

Sagot: Ang Academy Awards ang isa sa pinakamataas na karangalan na ibinibigay sa pinakamahuhusay na artista at direktor sa Hollywood. Ito ay iginagawad ng American Academy of Motion Picture Arts and Science mula pa noong 1928.

Noong una, wala naman talagang bansag sa sikat na estatwa ng Academy Awards, ngunit noong 1931 ang direktor ng Academy na si Margaret Herrick ay pinangalanang “Oscar” ang estatwa sapagkat kamukha daw ito ng Uncle Oscar niya. Ganito ang pagkakasabi niya sa unang pagkakita niya ng estatwa; “Why it looks just like my Uncle Oscar?”

Ang totoong pangalan ng uncle na binabanggit niya ay si Oscar Pierce, isang magsasaka ng trigo (wheat).


Ang Pangarap kong Chedeng!

Tanong: Saan nakuha ng “Chedeng” o “Mercedes Benz” kanyang pangalan?

Sagot:
Kung meron kang Chedeng ngayon ibig sabihin nagmamayari ka ng isa sa pinakamahal na kotse sa buong mundo. Ngunit alam niyo ba kung saan nagmula ang pangalang “Mercedes Benz”?

Ang Daimler Corporation, ay inatasan ng isang mayamang Austriano na si Emil Jellinek na gumawa ng espesyal na kotseng pangarera (racing car) noong 1900. Si Jellinek ay nagmamay-ari noon ng ibat-ibang mamahaling sasakyan at isa na dito ang ginawa ng Daimler.

Lubos na nasiyahan si Mr. Jellinek sa pagkakayari ng sasakyan at binigyan niya ito ng palayaw. Tinawag niya ang bagong sasakyan na “Mercedes”. Sunod ito sa pangalan ng kanyang pinakamamahal na anak na babae, si Mercedes Jellinek.

Taong 1926 ng ang Daimler Corporation at Benz Company ay nagsanib puwersa upang maging mas malaking kompanya. Ang dalawang pinag-isang kompanya ay nagpasyang gawing Mercedes Benz ang pangalan ng mga produkto nilang sasakyan.

Bakit walang kilay si Mona Lisa?

Si Mona Lisa na siguro ang pinakasikat na obrang sining sa kasaysayan ng pagguhit. Ngunit marami pa rin ang nagtataka at nagtatanong kung bakit walang kilay si Mona Lisa. Bakit nga ba?

Ang dating pamagat ng painting na Mona Lisa na gawa ni Leonardo da Vinci ay La Gioconda. Ito ay iginuhit sa kahoy at itoy larawan ni Lisa Gherardini, asawa ng isang Florentine merchant. Sa mga isinigawang pagsusuri ukol sa pagpinta, sa pamamagitan ng X-ray Technology, lumalabas na tatlong beses na iginuhit ni Da Vinci ang sikat na painting bago ito isinalin sa huling pagpinta.

Ang dahilan kung bakit walang kilay si Mona Lisa ay hindi dahil sa nakalimutan itong ilagay ni Da Vinci kundi dahil sa ito ang sikat na fashion (samakatuwid, ito ang uso noon) sa mga kababaihan noong panahong iyon. Uso noon ang pag-ahit sa kilay ng isang babae.

Umiinom ka ba ng Gatorade?

Tanong: Saan nagmula ang sikat na inuming Gatorade?

Sagot:
Ang inuming Gatorade ang isa sa pinakasikat na inuming pang-sports. Ito ang madalas na inumin ng mga malalaking palakasang paligsahan katulad ng NBA at World Golf Competition. Katunayan, si Tiger Woods na pinakamayang manlalaro sa buong mundo ay ineendorso ang inuming ito.

Pero alam niyo ba kung saan nagmula ang Gatorade? Noong 1963, isang doctor ang nagsagawa ng pag-aaral tungkol sa heat exhaustion sa mga manlalaro ng football sa University of Florida. Siya ay si Dr. Robert Cade.

Nagsagawa siya ng mga pananaliksik ukol sa bahagdan ng body liquids (pawis) na nawawala sa katawan ng mga manlalaro. Pagkatapos ng masusing pagsusuri, si Dr. Cade ay nakagawa ng isang pambihirang pormularyo upang palitan ang nawalang likido sa katawan ng mga manlalaro. Nakagawa siya ng isang inumin na siya ngayong tinatawag na Gatorade.

Ang pangalang Gatorade ay hango sa pangalan ng football team na naging instrumento sa pag-aaral ni Dr. Cade, ito ang Florida Gators.

Mahangin ba sa Labas?

Marami ang bansag sa Chicago, pero ang pagiging “Windy City” nito na siguro ang pinakakilala. Alam niyo ba kung bakit tinatawag na “Windy City” ang Chicago sa Estados Unidos?

Ang totoo, ito ay hindi dahil sa likas na mahangin sa Chicago. Ang dahilan kung bakit ito tinawag na “Windy City” sapagkat noong 1893 sa Chicago ginanap ang World’s Columbian Exposition bilang pagdiriwang sa ika-400 taong anibersaryo ng pagkakadiskubre sa Amerika.

Ang Chicago ay naging agresibo (mayabang) sa kanilang kompanya (patalastas) ukol sa nasabing pagdiriwang. Ang pagka-agresibong ito ay hindi naging maganda sa paningin ng mga taga-New York at binansagan nila ang Chicago na “Windy City” (mahangin o mayabang).

Gayunpaman, sa paglipas ng panahon kahit naging bansag na ito sa Chicago, marami ang hindi nakakaalam kung bakit ito tinatawag ng gayon.

Ang nawawalang pares ng sapatos ni Cinderella


Tanong: Paano nakatatakbo si Cinderella sa babasaging sapatos?

Sagot:

Ang kuwento tungkol kay Cinderella ay naipasa sa ibat-ibang lahi sa pamamagitan lamang ng bibig. Ang ibig sabihin nito, noong una hindi ito nakasulat sa anumang aklat o papel. Hanggang sa pormal itong isulat ni Charles Perrault noong 1967.

Habang isinusulat ito, nagkamali sa pagsulat si Mr. Perrault sa salitang vair, na ibig sabihin ay ermine, sa halip ang naisulat nya ay verre, na ang ibig sabihin ay salamin.

Bago pa man niya naunawaan ang nagawa niyang pagkakamali, ang kuwento ay labis ng naging sikat at wala ng panahon upang palitan pa ito. Kaya, sa halip na ermine slipper ang suot ni Cinderella, ito ay nanatili ng isang babasaging salamin. (Sa ibang kuwento ito ay sapatos na kristal.)